Ang kantang “Magasin”
ng Eraserheads ay nagpapakita ng isang negatibong imahe ng mga babae sa
lipunan. Makikita sa mga titik nito na ang tanging paraan para sumikat ang
isang babae ay sa pamamagitan ng pagpapaganda.
Nagsimula ang kanta sa
isang lalaki na nakakita ng isang magasin. Sa pabalat ng magasin na ito, nakita
niya ang isang magandang babae na dati pala’y kanyang nobya. Sinabi sa kanta na
hindi inakala ng lalaki na sisikat ang kanyang nobya. Binanggit pa na tiwanan
ng lalake ang babae. Masasabi sa mga pahayag na ito na walang kakayahang maging
sikat ang mga kababaihan sa lipunan. Minamaliit sila ng mga kalalakihan sa
pamamagitan ng pagduda sa kanilang mga kakayahan at sa simpleng pagtawa na
maaaring magpahiwatig ng pang-aasar sa mga kababaihan.
Sa koro ng kanta,
ipinapakita ang mga pagbabago sa pisikal na anyo ng babae. Sa bandang huli
nito, makikita ang mga linyang “Pagkat kulang ang dala kong pera na pambili,
Pambili sa mukha mong maganda”. Ipinapakita rito na ang mga babae ay parang mga
gamit lamang na binibili ng mga kalalakihan. Tinuturing na mga bagay ang mga
kababaihan na basta basta lamang na nabibili. Kung titingnan ng maiigi ang
linya, isinama pa ang pariralang “sa mukha mong maganda”. Ipinapakita nito na
ang mga binibili lamang ng mga lalaki ay ang mga magagandang babae. Upang
mabili ang isang babae, kinakailangan niya munang magpaganda. Muling
ipinapakita ang negatibong imahe sa mga babae.
Sa bandang huling
bahagi ng kanta, nalaman ng lalaking bastos pala ang magasin na kanyang nakita.
Sinabi pang namulat siya sa hubad na katotohanan. Muli, tinatrato ang mga babae
bilang mga bagay. Sa bahaging ito naman, sa pamamagitan ng pagsabing isang
bastos na magasin pala ang nakita, tinatrato ang mga babae bilang mga
pang-aliw. Sa pagsabing nagulat ang lalaki sa hubad na katotohanan,
mahihinuhang may malaswang larawan ang babae. Masasabi mula rito na hindi
lamang pagpapaganda ng mukha ang kailangan ng mga babae upang sumikat bagkus
kailangan rin nilang magpaganda ng katawan.
Sa huling bahagi naman
ng kanta, sinabing “Nasaan ka na kaya? Sana ay masaya. Sana sa susunod na isyu
ay centerfold ka na”. Sa paghahanap ng lalaki sa babae at sa pagsabing “sana ay
masaya”, sinasabi na ang mga babae ay sisikat lamang sa pamamagitan ng mga
ilegal na paraan na nagaalis sa kanila ng kaligayahan. Sa pagsabing “sana sa
susunod na isyu ay centerfold ka na”, parang sinasabi ng lalaki na sana’y
magpaganda ka pa kasi sa ngayon, ang mga katulad mo’y hindi pang-centerfold.
Bilang pagtatapos, ang
kantang “Magasin” ng Eraserheads ay nagbibigay ng isang negatibong imahe tungo
sa mga babae. Sinasabi sa kantang ito na malabong sumikat ang mga kababaihan
dito sa ating lipunnan. Kung sila’y sisikat man, ito’y sa pamamagitan ng
pagbabago ng kanilang mga pisikal na anyo. Ipinakita rin sa kantang ito ang
pagtrato sa mga babae bilang mga kagamitan na basta basta lamang nabibili ng
mga kalalakihan. Sa kabuuan, ipinakita ng kantang ito ang negatibong imahe ng
mga kababaihan na laganap sa ating lipunan ngayon.
Jacob Agbayani 4C
No comments:
Post a Comment