Monday, February 27, 2012

Ang Huling El Bimbo ng Eraserheads- Tris Santos


Isinusulong sa kantang “Ang Huling El Bimbo” ang teoryang feminismo. Unang una ay makikita sa unang bahagi ng kanta ang pagrespeto ng lalaki sa babae. Sinasabi sa kanta na hinahangaan nito ang babae dahil sa kaniyang kagandahan at sa talento nito sa pagsasayaw. Ito ay makikita sa linyang “… at ang galing galing mong sumayaw mapa-Boogie o cha-cha....” Ipinapakita din sa kanta na ang mga babae ay hindi madaling makuha tulad na lamang ng mga bagay na nabibili sa mundo. Makikita sa linyang “pagkagaling sa eskwela ay didiretso na sa inyo” ang ginagawang sakripiosyo ng lalaki upang makasama ang babae na kahit kaunting oras lamang. Ipinapahiwatig ng linyang ito ang dedikasyon ng lalaki para sa babae.

Ipinapakita din sa kantang ito ang pagsira sa istiryotipiko ng lipunan tungo sa babae bilang mahina at nakadepende lamang sa mga lalaki. Sa kabuuan ng kanta, ipinapakita na ang lalaki ay umaasa sa babae upang siya ay maturuan nitong sumayaw. Ipinapahayag din sa buong kanta na ang kanyang kasiyahan ay naka-depende sa presensya ng babae. Inilalahad sa kanta na kung wala ang babae, hindi magkakaroon ng kulay ang kanyang buhay. Ang pangingibabaw ng babae kaysa sa lalaki ay makikita sa parte ng kanta na kung saan sila ay sumasayaw at dito unti-unting nahuhumaling ang lalaki sa babae. Dito ipinapakita na hindi lagi ang babae ang naghahanap ng pag-ibig tulad ng mga ipinapakita sa mga nakasanayang kwento. Naipapakita na nagpapamalas ng kalakasan ang mga kababaihan dahil hindi agarang nagpapaloko sa lalaki. Naipapakita rin ng kanta ang kagandahan ng kababaihan sa paglalahad na kahit munting bagay lamang na gawin ng babae ay nahuhumaling agad ang lalaki.

Sa kabila ng kagandahang ito ay mapapansin sa bandang huli ng kanta ang negatibong pananaw ng lipunan sa mga babae. Sinasabi sa hulihan ng kanta na nasayang ng babae ang kanyang buhay dahil siya ay nagpabaya at hinayaang ang sariling maloko ng kalalakihan. Siya ay nagkaroon ng anak at walang asawa upang tulungan siyang suportahan ang kaniyang pamilya. Dahil dito, naghanap ang babae ng trabaho at ang kaniyang nakuhang trabaho ay tagahugas lamang ng pinggan. Dito naipakita ang isa pang istiryotipo ng lipunan sa mga babae bilang tagagawa lamang ng mga gawain sa bahay. Sa pag-banggit nito ay ipinapakita na walang ibang lugar ang kababaihan sa lipunan kundi sa bahay.

Sa kabuuan, ang kantang ito ay parehas na nagpapakita ng positibo at negatibong pananaw ng lipunan sa mga kababaihan. Naipapakita ng kantang ito ang natural na kagandahan ng kababaihan pag dating sa itsura, sining, at sa kalooban. Sa kabila nito ay naipakita din ng kanta ang hindi kanais-nais na pananaw ng lipunan sa kababaihan. Naipakita ng kanta kung papaano mababa ang tingin ng lipunan sa kababaihan at kung papaano nila minamaliit ang kakayahan ng babaeng gumawa ng desisyon at ang kanilang kakayahang magtrabaho.

Tris Santos 4C

No comments:

Post a Comment