Wednesday, February 29, 2012

Intro

Ang blog na ito ay ang pinagsama-samang pagsusuri ng iba't ibang mga akdang gawa ng sari-saring mga manunulat. Mula sa mga simpleng kanta hanggang sa mga nakaaakit na bidyo, dito namin mapapakita ang iba't-ibang klase ng pagsusuri ng iba't ibang akda na ginawa ng mga taong may natatanging galing.

Superman ang Misis Ko -Ferdinand Marquee W. Fuentes


Nagsimula ang akdang "Superman and Misis Ko" na ginawa ni Abdon M. Balde Jr. sa pagbabahagi ng unang pagkilala ng persona at ng kanyang asawa. Ang persona ay may kapinsala dahil siya’y mayroong saklay sa paa. Sa unang pagkilala ng dalawang tauhan, agad napansin ng persona ang katigasan ng mga daliri ng babae sapagkat siya’y “pinaglalaba’t pinagsisibak ng panggatong ng magulang.” Minsa’y palabiro nitong tinatanong sa babae kung siya’y isang tibo.

Napakaganda at napakabait raw ang babae kaya’t hindi kaya ng persona na pakawalan siya. Sila’y nagpakasal at tumira sa ikatlong palapag ng apartment. Ang babae’y gumagawa ng mabibigat na gawain tulad ng “pagkabit ng TV antenna” at “pagkumpone ng kisame” habang taga-luto lamang ang persona.

Nagkasunog sa unang palapag ng apartment noong isang gabi. Nahilo ang persona dahil siya’y sensitibo sa usok at nagising na lang sa ospital. Iniligtas siya ng kanyang asawa sa pamamaraan ng pagbuhat sa kaniya palabas ng nasusunog na apartment.

Ayon sa akdang ito, may kakayahan na gumawa ng mabibigat na gawain ang mga kababaihan at hindi lamang limitado sa gawaing “pambabae.” Hindi lahat ng kababaihan ay umaasa sa mga lalaki sa araw-araw na buhay at ito’y naipakita sa maikling kuwento na kung saan ang lalaki naman ang umaasa sa babae dahil siya’y may kapansanan.

Malakas rin ang kababaihan. Nang tanungin ng person sa kanyang asawa kung paano siya nailigtas, ang sagot ng babae ay “Inilipad kita palabas ng sunod na apartment.”

Inilipad kita.

Maipapalagay ng mambabasa na binuhat ng babae ang persona papalabas ng apartment upang makaligtas mula sa sunog. Mayroon kakayahan na maging malakas sa pisikal na anyo rin ang kababaihan tulad sa naipakita sa kuwento.

Sa isang karaniwang kaisipan tungkol sa relasyon ng babae’t lalaki, sinasabi na ang lalaki ang kadalasang nagbibigay serbisyo sa kababaihan kagaya ng pagbubukas ng pinto o pagdadala ng kagamitan. Ito’y iniba sa "Superman ang Misis Ko" dahil tila kinuha ng babae ang papel ng lalaki. Siya’y [nag-oorder] at nagdadala ng pagkain sa mesa. Ito’y ginagawa ng babae nang walang utos sa kaniya at hindi siya nagrereklamo.

Masipag, matulungin at maalaga ang babae.

Positibo ang pagpapakita ng feminismo sa akda dahil sinasabi na hindi mababa ang tingin ng tao sa mga kababaihan. May pantay na pagtingin sa kababaihan dahil may kakayahan silang maging malakas tulad ng mga kalalakihan.

Ferdinand Marquee W. Fuentes 4C

Upuan ni Gloc-9 - Ivan Ubalde


Ang kantang “Upuan” ni Gloc-9 ay napag-isipan kong suriin gamit ang Marxismo sapagkat ipinapakita nito ang malaking agwat ng mayayaman at mahihirap sa ating bayan. Ang mensahe ng kanta ay nakasentro sa napakalaking isyu ng kahirapan sa ating bansa. At sa pamamagitan ng “music video” ng kantang ito, nabigyang diin at lalong naipakita kung gaano kalaki ang epekto ng korupsyon at kahirapan sa Pilipinas.

            Base sa liriko ng kantang ito, nagbibigay ng sitwasyon si Gloc-9 kung saan lubos na naipapakita ang kahirapan sa ating bayan. Sa unang berso, inilarawan niya ang sitwasyon ng isang mayaman na mayroong napakaraming bagay na wala ang mahihirap. Inilarawan niya ang bahay na malaki, “may malawak na bakuran, matataas na pader at pinapaligiran ng mga mamahaling sasakyan”. Sa loob naman ay palagi may mga taong naka-barong, palaging merong pagkain na “hindi tutong” at palaging may hamon kahit walang okasyon. Ilan lamang iyan sa mga ginamit na paglalarawan ukol sa buhay ng mayayaman.

            Sa ikalawang berso naman, inilarawan naman ang buhay ng mahihirap. Ginamit niya rito ang punto-de-bista ng isang mahirap. At kasalungat sa buhay ng mayayaman, ikinumpara niya ang buhay ng mahihirap. Kumpara sa bahay ng mayayaman, ang kanila daw ay gawa mula sa “tagpi-tagping yero” lamang. At kung may makakain araw-araw ang mayayaman, sila daw ay umaasa lamang sa “ulam na tuyo’t asin” na pinagkakasya lamang sa singkwenta pesos. Bukod pa dito, nakakakain lamang sila kapag sumweldo ang kanilang ama. Ang aking mga nabanggit ay ilan lamang sa napakaraming halimbawang inilarawan ng may akda. Sa dulo ng bersong ito, napag-isip-isipan ng persona kung masyado lang “maraming harang” ang pumapagitan sa mayayaman o mahihirap o sadya lamang na “nagbubuluag-bulagan” ang mga ito upang maiwasan ang sitwasyon na ito. Sa ating bansa, masasabing ito ay totoo sapagkat ang mayayaman at mga pulitiko ay walang ginagawa upang masolusyonan ang problemang ito.

            Sa chorus naman ng kanta, sinisimbolo ng “upuan” ang kalagayan ng mga mayayaman, at ang kanilang maginhawang buhay. Iniimbitahan ng may akda na “tumayo” sila nang makita naman nila ang “tunay na kalagayan” ng mga mahihirap. Napakaepektibo ng ginamit na simbolismo dito sapagkat isa itong pahiwatig ng sitwasyon n gating bayan.

            Sa “music video” naman ng kantang ito, paulit-ulit na ipinapakita ang isang upuan na inuupuan ng mga kumakanta at ng mayayamang tao. Ipinakita ang kaginhawahan ng buhay ng mga mayayaman habang sila ay nakaupo sa upuan. Habang nakaupo ang mayayaman, ang mga mahihirap ang siyang naglilinis ng inuupuan ng mga mayaman at nagpupulot ng mga hinuhulog ng mga ito. Ipinapahiwatig nito na ang mga mahihirap ang siyang nagpapakahirap para sa maginhawang buhay ng mga mayayaman. At sa pagitan ng pagpapakita ng mga mayayaman at pagkanta ng mga artista, ay ipinapakita rin ang biswal na presentasyon ng mga bagay na maririnig sa liriko ng kanta. Ilang halimbawa ng mga naipakita sa bidyo: ang mga taong nakabarong, ang mga kutsara at tinidor na “hindi kilala ang tutong”, ang takureng “uling-uling”, ang kalderong “kayamanan” ng ina ng persona, at iba pa. Bukod pa dito, may mga puntong ipinapakitang kinakausap ni Gloc-9 ang mayayaman, subalit hindi siya pinapansin at patuloy lamang sa kanilang ginagawa. Sinasalamin nito ang nangyayari sa ating lipunan. May mga taong ipinapakita sa mga mayayaman at may kapangyarihan ang sitwasyon ng mga mahihirap ngunit pinpilit nilang hindi making upang hindi maistorbo ang kanilang maginhawang buhay. Sa dulo ng bidyo, nakitang ipinaranas sa mayayaman ang mabuhay nang mahirap sa pamamagitan ng pagtanggal ng kanilang magagarang damit upang palitan ng damit-mahirap. At bukod pa dito, naranasan din nila ang mga ginagawa ng mahirap tulad ng kumain gamit at kamay at ang paggawa at pag-ayos ng upuang sila mismo ang nakaupo kanina.

Paulit-ulit at nangingibabaw ang upuan sa buong tagal ng bidyo. Dahil dito, mas nabibigyang pansin at diin ang nasabing “upuan”. Makikita mo rin na may takip sa bibig si Gloc-9 sa ilang punto ng bidyo. Sinasabi nito na walang boses at hindi naririnig ang mga hinaing ng mga tao. Nais imulat ng may akda ang mga mamamayan sa sitwasyon na ito ng ating bansa. Ang hinihingi lamang ng may akda sa mga mayayaman ay “tumayo” mula sa kanilang mga “upuan” upang makita ang naghihirap na sitwasyon ng bayan sapagkat sila ang nasa posisyon upang lutasin ang problema ng kahirapan at korupsyon sa bansang Pilipinas.

Ivan Ubalde 4C

Tuesday, February 28, 2012

Tindahan ni Aling Nena ng Eraserheads - Ian Joson


Kung ating susuriin nang mabuti ang awiting Tindahan ni Aling Nena gamit ang Pormalismo, mahahalata natin agad na ang buong awitin ay nakasalaysay gamit ang unang panauhin. Gamit ang impormasyong ito, masasabi natin na ang buong awitin ay tungkol sa isang pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan.

Kung pagtutuunan natin ng pansin ang unang bahagi ng kanta, mapapansin natin na ang pangunahing kaisipan nito ay ang pagkahulog ng loob ng pangunahing tauhan sa isang dalagang nakita niya habang siya ay bumibili ng suka sa Tindahan ni Aling Nena. Mahalaga ang bahaging ito ng awitin sapagkat dito umiikot ang buong kwento ng pangunahing tauhan. Kung hindi dahil sa unang bahagi, walang kwento ang magaganap sa buong kanta.

Sa pangalawang bahagi naman ng awitin, dito natin makikita ang problema na dulot ng pagkahulog ng loob ng pangunahing tauhan sa dalaga. Dito ay makikita natin na gustong makipagkilala ng pangunahing tauhan sa dalaga ngunit malalaman niya na aalis na pala ang dalaga patungong Canada pagkatapos ng tatlong araw. Makikita rin ang problema sa bahagi ng koro. Dito ay ibinabanggit ng tagapagsalaysay na maraming mabibili sa tindahan ni Aling Nena ngunit ang gustong niyang makuha ay hindi nabibili ng pera, at alam natin na ang itinutukoy ng tagapagsalaysay ay ang dalagang anak ni Aling Nena.

Sa pangatlong bahagi naman ng awitin, kahit na alam na ng pangunahing tauhan na paalis na ang dalaga patungong Canada, desidido pa rin siya na makipagkilala sa dalaga. Para mangyari ang gusto, nakipagkasundo siya kay Aling Nena. Ang kasunduang ito ay magdudulot ng panibagong problema sa pangunahing tauhan na makikita naman sa pangalawang koro. Sa pangalawang koro ay makikita natin na sumunod sa kasanduan ang pangunahing tauhan at dito ay sinabi niya na naubos ang kanyang pera sa araw-araw na pagbili sa tindahan ni Aling Nena.

Sa huling bahagi ng kanta, malalaman natin na ang lahat ng pagsisikap ng tagapagsalaysay na maging malapit sa dalaga ay walang kinahantungan.

Ian Joson 4C

Night-Out McDo Commercial - Milo Mendoza


Ang aking susuriin ay ang patalastas ng McDo, na pinamagatang “Night-Out.” Ito ang nangyari sa patalastas na ito. May dalawang babae na kakatapos lamang kumain ng Mcdo Sundae sa loob ng kotse. Ngunit bago nila paandarin ang kotse, nagpaganda muna sila. Pagkatapos nila maglagay ng make-up, nakahanap sila ng barya at nadesisyonan nilang bumili muli sa McDo. Habang nasa harap sila ng bintana ng kahera, makikita na parang nilalandi nila ang lalake na tumatanggap ng bayad nila. Dito nagtatapos ang patalastas.

            Kung susuriin ang patalastas na ito sa pananaw na feminismo, mayroong ilang eksena sa patalastas kung saan nalagyan ng steryotipiko ang mga babae. Una dito ay ang paglagay nila ng make-up. Sa pagpapakita ng eksenang ito, mayroong kaisipan na naibabahagi sa mga tagapanood na ang mga babae ay palaging inaalala ang kanilang itsura. Sa katunayan, hindi naman ito totoo. Tama nga na mayroong mga babaeng madalas maglagay ng make-up, ngunit ano ang halaga ng paglagay ng eksenang ito sa patalastas? Ikinukulong lamang nito ang mga babae sa pananaw na basta babae, mahilig maglagay ng make-up at magpaganda.

            Ang sunod na eksena na aking tutuunan ng pansin ay ang pagbayad ng mga babae sa kaherang lalake. Makikita dito na ang dalawang babae ay mabagal na binibilang ang kanilang barya sa palad ng lalake. At makikita sa kanilang reaksyon na parang kinikilig. Sa maikling salita, mahihinuha ng mga nanood na nakikipag landian ang dalawang babae. Sa eksenang ito, nagkakaroon muli ng steryotipiko tungo sa mga babae. Naipapahayag ng patalastas, na malandi ang mga babae. Sa katotohanan, hindi naman lahat ay ganito ang ugali. Sa pagpapalabas ng ganitong patalastas, naapektuhan ang pagtingin ng mga lalake sa mga bababe. Nagkakaroon sila ng pagiisip na mahilig magpapansin ang babae lalo na sa mga lalake na guwapo.

            Dahil maikli lamang ang buong patalastas, kapansin-pansin talaga ang mga eksenang ito. Layunin ng feminismo na basagin ang pagkakaroon ng ganitong klase ng tingin sa mga babae. Ang pagkakaroon ng steryotipikong pananaw tungo sa mga babae ang pinaka iniiwasan ng feminismo, dahil ang mga babae ay hindi basta-bastang nauuto ng mga lalake.

Milo Mendoza 4C

Bayanihan -Migui Atanante


Bayanihan, isang konseptong alam ng lahat at nasa puso ng mga Pilipino.  Ang konseptong ring iyan ang makikita sa isang bidyo ng gawad kalinga na nagngangalang "Bayanihan". Ipnapakita rito ang kahulagan ng bayanihan; ang pagtutulungan. Sa bidyo mayroong mga taong nagtutulungan upang buhatin ang mga bahay. Lahat ay nagtutulungan upang makamit ang iisang gawain. Ngunit mayroon pang ipinapahayag ang "Bayanihan". Isang mensahe para sa lahat, na sa unang panood ay maaring hindi kaagad makita. At ang mensaheng iyon ang aking tatalakayin ngayon sa pamamagitan ng marxismong pananaw.
              Sa kabuuan ng bidyo mayroong mga tao. Ang mga taong ito ay mga iba't ibang klase ng tao. Mayroong mga magsasaka, mga tambay na naglalaro, mga batang tumtakbo, mga labandera, mga tsuper, at marami pang iba. Ang mga taong ito ang sumisimbolo sa karaniwang Pilipino. Habang ipinapakita ang mga taong ito ipinapakita rin ang mga iilang taong nagbubuhat ng mga pinagsasamang mga bahay na gawa sa retaso. Mapapansin na ang mga taong nagbubuhat ay nahihirapan at pagod na. Gamit ang mga detalyeng iyon mahihinuha na ang mga bahay na iyon ay ang isang napakalaking problema, ang kahirapan. Ang mga taong nagbubuhat naman ang mga mahihirap sa ating lipunan.
              Ngayon mapapanood sa bidyo na ang mga karaniwang Pilipino ay lalapit sa mga nagbubuhat. Lahat sila ay magtutulong-tulongan upang buhatin ang mga bahay. Kahit ang mga bata at matatanda ay tumutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng tubig at pagpapakita ng kanilang suporta sa mga nagbubuhat. Sinasabi dito na dapat lahat ng mga pilipino ay magtulungan, kahit gaano kaman kabata o katanda. Sa bandang huli makikita na halos lahat na ay nagbubuhat ng mga bahay. At mga taong iyon ay pumunta sa isang bangin at inihagis ang mga bahay roon. Ang ibig sabihin lang noon ay sa ating pagtutulungan matatalo natin ang kahirapan.
              Masasabi kong isang magandsng bidyo dahil sa madaming rason. Una, madaling makita ng mga tao ang kanilang mga sarili na isa sa mga tao sa bidyo. Pangalawa ang me sahe na nais ipahayag nito ay maganda at malinaw. Bukod pa roon ang mensahen ito ay madaling naipamalas sa mga tao. Ang huli ay naisatupad nito ang marxismong layunin na magpahayag ng mensahe. Kaya masasabi kong di lamang nito naipakita ang traditional na bayanihan, naipakita pa nito kung paano ito mailalapat sa ating lipunan kung saan madaming naghihirap. Sa pagtatapos ang pinakasinasabi ng bidyong "Bayanihan" gamit ang marxismong pananaw ay sa pamamagitan ng pagtulungan matatapos natin ang kahirapan.

Migui Atanante 4C

Girlfriend McDo Commercial - Jed Cajucom


Nakita mo na ba ang patalastas ng McDo tungkols sa bata at pagiging “girlfriend”? Ako, nakita ko na. Sa unang panonood, sabi ko sa sarili ko “Ang cute naman nila.” Pero, yun nga, sa unahan lang. Binalikan ko ang patalastas na ito at nagulat ako sa madaming “mensahe” na pinapadala nito.
            Unang una, ang sinabi ng batang lalaki tungkol sa babae. “Demanding ang mga girlfriend..gusto ganito,gusto ganyan..ewan!” Hindi ganyan ang lahat na babae. Pinapakita nito na masasama ang babae, na puro hingi nang hingi na walang binabalik. Lahat naman nang tao ay may gusto at hinihingi, hindi lang babae.
            Pangalawa, pinapalabas nang patalastas na ito na “cheap” ang mga babae. Ano ang ibig kong sabihin pag sinabi kong “cheap”? Ang ibig ko sabihin na pinapalabas nang patatalstas na ito na mamahalin ka nang bababae basta’t bibilhin mo siya nang lahat nang kagamitang magugusto niya. Mali ang pag-iisip na ganyan. Sobrang mali talaga yan. Ang pagiging magkasintahan ay isang relasyon, relasyon nang pag-ibig sa pagitan nang dalawang tao.
            Pinapakita din na mahina ang mga babae. Makikita ito sa patalastas na ito dahil sa makikitang reaksyon ng batang babae sa pagtanggi ng lalaki sa pagiging kanyang boyfriend. Dahil lang hindi niya nakuha ang kanyang gusto, biglang sobrang malungkot na siya? Talaga? Sobra naman. Oo nga malulungkot tayo dahil ‘di natin nakuha ang gusto natin pero hindi naman yun katapuasn nang mundo.
At sa huli, pinapakita nito na ang pangarap nang babae ay maging isang girlfriend, kahit sila ay bata parin. Para sa akin, hindi pa dapat alam nang isang batang babae nang edad na iyan ang konsepto nang pagiging isang girlfriend at ang mga nakukuha niya galling dito.
            Makikita talaga dito na laganap pa rin ang pagbibigay ng mga pagkakaiba nang babae at lalaki. Kahit ngayon sa munting patalastas na ito, marami sa mga ito ay nakita.

Jed Cajucom 4C